Ang Kalugod-lugod sa Dios
by Rev. ARNOLD C. BIAGO, SVD
Trophy. Ang Trophy ay katibayan ng pagiging champion sa isang kontest: ito man ay sa sports, music, arts at kung anu pa man. Ang trophy din ay pagkilala sa angking kakayahan o galing ng isang tao. Kaya maaari nating sabihing may ibubuga siya kaya nag “champion”. Di magiging kanya ang trophy kung hindi siya magaling.
Kung ang tao ay kumikilala sa angking galing ng iba, gayundin ang Dios. Sa pamamagitan ng kanyang biyaya at pagpapala namamalas natin ang pagkilala ng Dios sa mga ginagawa ng isang tao. Ngunit ang kinilala ng Dios ay hindi ang angking galing, talino o anumang kakayahan ng isang tao. Kundi ang kabutihang loob ng isang tao.
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay nagpapaliwanag ng natatanging paraan ng pagkilala ng Dios sa tunay na kabutihang loob ng isang tao.
Una, ang Dios ay hindi nadadala ng pagmamagaling. Kung may ibinibigay mang pagpapalala o mabubuting bagay ang Dios, ito ay bunga ng Kanyang tunay na kabutihang loob at di ng kakayahan ng tao na magwagi at makinabang sa pagpapala ng Dios. Di kailanman masasabi ng tao na siya ay karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Dios. Ang biyaya ay hindi napagwawagian. Ang pagpapala ng Dios ay hindi katulad ng isang trophy na napapanalonan. Kaya hindi naging kalugod-lugod ang Pariseo na nagdarasal sa sa loob ng Templo, sapagkat siya ay nagmamagaling. Ipinagmamalaki niya sa kanyang pagdarasal ang kanyang pagtupad ng higit pa sa nasasaad sa Utos ng Dios. Lumalabas na ipinapamukha niya sa Dios na may karapatan siya sa mga biyayang ipagkakaloob. Yun ay kanyang napagawagian bilang katumbas na kabayaran mula sa kanyang pagtupad sa mga Kautusan ng Dios.
Naalala ko tuloy ang kwento tungkol sa isang batang nag aaspire maging isang negosyante: Isang araw gumawa siya ng bill of accounts para singilin ang kanyang nanay ng bayad para sa mga gawaing bahay na kanyang ginawa sa loob ng isang linggo:
Name of Customer: Mrs. Erlinda Biago
Services Amount Due Pagwawalis ng bahay P20.00
Paghuhugas ng plato 15.00
Paglabas ng basura sa umaga 10.00
---------
Total P45.00
Kasama ng kanyang mga matamis na nginti, iniabot niya ang ginawang bill of accounts sa kanyang nanay. Kinabukasan, iniabot ng kanyang nanay ang isang sobreng may lamang P45.00 at kasama ang isang papel na may maikling sulat. Inilabas niya agad sa sobre ang pera at tuwang-tuwa siya habang binibilang ang kanyang nasingil sa kanyang nanay. Pakatapos, tiningnan niya at binasa ang nakasulat sa note galing sa kanyang Nanay. Ito rin ay bill of accounts niya:
Name of Costumer: Ronald Biago
Services Amount Due Pag-aalaga, pagpapalaki at Pag-paparal P0.00
Pagluluto ng Pagkain 0.00
Pagbili ng kanyang Damit at Laruan 0.00
---------
Total P0.00
Walang sinisingil ang kanyang nanay. Ganun po talaga ang mga magulang, ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak ay ibinibigay nila ng walang bayad. Ito ay libre at buong-puso nilang ipinagkakaloob ng walang kondisyon, karapat dapat man o hindi ang kanilang anak. Ganito rin ang biyaya at pagpapala ng Dios, ibinibigay ito kahit hindi karapat-dapat ang tao na tumanggap nito.
Ikalawa, mahalaga sa paningin ng Dios ang taus-pusong pagsisi sa mga pagkakasala. Ito ang katapat ng pagmamagaling. Sa katunayan, ang pagsisi ay kababaang-loob. Ganito ang Publikanong kilalang makasalanan na di man lamang makatingin at nakayuko habang nagdarasal sa loob ng Templo. Ngunit, sa di inaasahang pagkakataon, siya pa ang kinalugdan ng Dios. Hindi dahil sa kanyang mga kasalanan kundi sa kanyang pagpapakababa, at pagsandal at pagtitiwala sa dakilang awa ng Dios. Ipagkakaloob lamang ng Dios ang kanyang pagpapatawad, pagpapala at biyaya sa sinumang bukas ang kalooban na tanggapin ito.
Katulad ito ng tinanggap ni Erap na “executive clemency”. Kung saan inamin rin niya na siya ay mandarambong, magnanakaw sa kaban ng yaman ng bayan. Kaya, pinatawad siya ni Gloria. (
Mga kapatid, ang kinalulugdan ng Dios ay hindi ang ating galing sa pagsunod sa mga Utos ng Dios kundi ang ating kababaang loob na magsisi sa ating mga pagkakasala at kahandaang tanggapin ang Dios na manguna sa ating buhay. Hindi man natin kayang pagwagian ang biyaya at pagpapala ng Dios, ito naman ay Kanyang buong pusong ibibigay kung tayo ay handang iwanan ang sariling nagmamagaling at bukas na tanggapin ang Dios sa ating puso’t isip at buong katauhan. Sa ganitong paraan kinikilala ng Dios ang ating kabutihang loob.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento