Huwebes, Nobyembre 1, 2007

Kamatayan at Kabanalan
Rev. ARNOLD C. BIAGO, SVD

Sa France ay napabalita na ang isang binitay na kriminal ay sinisimulang gawing santo. Sa katunayan, ipinag-utos ng Arsobispo ng Paris, Cardinal Lustiger na simulan ang “cause for beatification” ni Jacques Fesch noong 1993. Si Jacques Fesch ay binitay sa kasalanag pagnanakaw sa banko at pagpatay sa isang pulis noong October 1, 1957. Isang taon matapos siyang makulang, dumanas siya ng masinsinang pagbabalik-loob sa Dios na nagpabago ng kanyang buhay at pananaw.

Sa unang tingin, mahirap intindihin kung bakit ang isang kriminal ay gawing santo. Anuman ang mangyari, ang isang kriminal ay talagang kriminal. Subalit kung may tunay na pagbabago at pagbabalik loob sa Dios na naganap sa buhay ng isang tao, hindi malayong mangyari na siya ay kabilang sa mga pinagpala at kalugod-lugod sa Dios, ang mga hinirang na banal ng Dios. Katulad ito ng panyayari sa Kalbaryo kung saan si Dimas sa kanyang pagkilala kay Kristo ay kaagad-agad biniyayaang maging kaisa ng Dios sa kanyang Kaharian sa langit.

Nabanggit ko ang balitang ito sapagkat ang ginugunita natin ngayon ay hindi lang ang kamatayan o mga patay, kundi ang ating pakikiisa sa buhay ng na bigay ng Dios na walang hanggang, ang buhay na pinagpala at kalugod-lugod sa Dios, ang buhay ng isang banal, ng isang Santo. Sa pamamagitan ng kwento ni Jacques Fesch, sinasabi sa atin na ang maging Banal ay hindi para lang sa iilang pinili kundi para sa lahat. Maging anuman ang ating katayuan sa buhay, bata man o matanda, may ngipin o wala, mabait o pasaway, lahat ay tinatawag ng Hesus na makiisa at makibahagi sa buhay kaligtasan sa piling ng Dios Ama.

Kaya masasabi natin na sa “All Saints Day” ipinagdiriwang ng Simbahan,natin, ang kaganapan ng ating mga mithiin at hangarin, balang araw tayong lahat at makikisa sa mga Banal, “communion of saints”. Na sana balang araw lahat tayo ay mapupunta sa langit, doon tayo magrereunion sa Kaharian ng Dios Ama. Sabi nga nila, “Heaven is a perfect place”. Sapagkat, pag nakita mo ang Dios wala ka nang hahanapin pa. Di ka magugutom, di ka matatakot, kumbaga walang katapusang saya at ligaya ang langit. “Sinu ang gustong mapunta ng langit, taas ang kamay?” Yan, lahat tayo hanggad na mapunta sa langit. “Ngayon, sinu ang gustong mauna sa langit? Taas ang kamay!”

Nakakatuwang isipin na walang isang tao na matino ang pag-iisip ang aayaw sa langit at gusto doon sa impiyerno. Lahat gustong mapunta sa langit. Ngunit walang gustong mauna. Lahat takot mamatay. Siguro, dahil di natin sigurado kung doon nga tayo mapupunta.

Kung tayo ay hindi sigurado na mapupunta sa langit, tayo naman ay naniniwala na may mga ilan na ang buhay ay naging kalugod-lugod sa Dios kaya sila ay pinagpapala na maging mga Santo. Kaya ganun na lang ang tuwa at galak ng simbahan na ipagdiwang ang “All Saints Day” bilang pakikiisa sa pagsasaya ng langit sa pagkakaroon ng mga bagong kasama. Ang mga santo ay binubuo opisyal na tala ng Simbahang Katolika, ang Roman Martyrology, na may nakalistang humigit sa 7,000 na mga santo; di pa kabilang dito ang mga nabuhay nang banal sa lahat ng panahon na tumugon at sumunod sa kagustuhan ng Dios na hindi natin kilala. Maari na kasama dito ang ating mga mahal sa buhay. Kung hindi man, umaasa tayo sa awa ng Dios na balang araw siya ay mapapabilang dito. Ito ang dahilan kung bakit natin ipinagdarasal ang mga kaluluwa, at kung bakit natin ginugunita ang araw ng mga patay pag “All Souls Day.”

Ipinagdiriwang din nating ang “All Saints Day” bilang pagkilala sa kadakilaan at dangal ng Inang Simbahan na siyang bukal ng kabanalan at nagluwal sa mga taong Banal na huwaran sa kanilang kalugod-lugod na buhay pagtalima sa kalooban ng Dios. Subalit, kailangan ba talagang kilalanin at bigyan ng parangal ang mga Santo? Total patay na naman sila, di na nila malalaman ang ating pagkilala sa kanilang mga kabutihan. Ang katulad na tanong ay nabanggit ni St. Bernard sa simula ng kanyang sermon para din sa “All Saints Day.” Sa kanyang pagpapatuloy ng sermon, sinabi niya, “Hindi kailangan ng mga Santo ang mga binibigay nating parangal sa kanila, maging ang ating mga dasal ay hindi makakadagdag sa biyayang nasa kanila na. Subalit habang sinusuri ko ang kanilang buhay, napupukaw sa aking katauhan ang hangaring matulad sa kanila.”

Mga kapatid, ang ating pagdiriwang para sa lahat ng mga Banal sa Langit ay walang ibang layunin kundi pukawin sa ating puso at buong katauhan ang paghahangad na mapabilang sa hanay ng mga Banal sa piling Dios. Walang silbi ang ating buhay kung hindi ito nakaugat sa Dios. Ang buhay ay puno ng kahulugan sa piling ng Dios. Mabuti na rin na walang gustong mauna sa langit, sapagkat ang kaganapan ng isang buhay sa piling ng Dios ay nagsisimula dito at ngayon. Paanu ang mapabilang sa hanay ng mga Banal, ang mabuhay sa piling ng Dios? Una, di kailangan ng malawak na kakayahan o kakaibang talino. At ikalawa, buong pusong makinig at sumunod kay Kristo na handang harapin ang anumang hirap at pasakit. Katulad ng isang butil, kailangan niyang matuyo at mabulok sa lupa para sumibol ang isang bagong buhay mula sa kanya.

Kaya ngayong panahon ng Undas, sa ating pagunita sa mga pumanaw, nawa makita natin na ang kanilang kamatayan ay daan tungo sa kaganapan ng buhay sa piling ng ating mapagpatawad at mapagmahal na Dios. At patuloy din tayong magdasal para sa lahat na yumao upang sa pagsapit ng takdang panahon, magkasama-sama ang lahat ng mga banal. Para sa ating lahat, kumuha tayo ng lakas ng loob sa mga halimbawa ng buhay ng mga hinirang ng Dios na Banal sa ating pagsunod sa kay Kristo. Marami man tayong mga pagkukulang at mahirap man ang sundan si Kristo umaasa tayo na siya ay kasama natin sa sa lahat ng pagkakataon.

Walang komento: