Sa Takdang Panahon
Rev. ARNOLD BIAGO,SVD
Sa imahen ng Kristong Hari makikita na ang mga mga daliri ng nakataas na kaliwang kamay ni Hesus ay nagtatanda (giving signs). Bata pa ako, lagi kong naririnig na ibig sabihin daw nun ay sa year 2000 ang kataposan ng mundo. Year 2007 na ngunit wala namang nagyari. “False Alarm” pala yun…
Ngayon linggo, sa ating ebanghelyo , si Hesus ay malakas na nagbababala laban sa mga “false alarms” at mga “false messiah” na nagsasabig darating na ng katapusan ng mundo. Malakas ang pagtutul ni Hesus sa mga “false alarms” at “false messiahs” sapagkat, walang sinuman ang nakakaalam kung kelan magaganap itong katapusan. At sa kanyang mga pagtuturo, iniwasan ni Hesus sabihin ang eksaktong panahon ng kaganapan nito. Tanging Dios lamang ang nakakalan kung kelan magaganap ang nakatakdang panahon. Sa halip, ang ibinigay ni Hesus ay pagasa, tulad ni Hesus tayo ay mabubuhay muli at mabubuhay ng walang hanggan sa piling ng Dios. Ito ang pangako ni Hesus sa sinumang mananalig sa kanya.
Karaniwan, pag ang pinag-uusapan ay katapusan ng mundo takot ang umiiral sa atin. Subalit ayon sa ating pananampalataya ang takot ay walang lugar sa katapusan ng mundo. Hindi bagay ang takot sa takdang panahong darating. Totoo, nakakatokot isipin na ikaw, ako ay mamamatay. Sabalit sa nakatakdang panahon hindi tayo muling mamatay kundi tayong lahat ay muling mabuhay kasama ang Dios sa langit magpakailanman. (hindi ito katulad ng horror movies na “day of the dead” o zombies, kundi parang buhay sa Disney Land.. Engkantadya kung sa Pilipinas) Imagine… mag fafamily reunion tayo dun.. mula dun sa kalululohan ng lola mu hanggang sa pinakaapo ng iyong apo… diba ang saya..
Subalit sa pagitan ng ating kasalukuyang panahon at sa di natin alam na nakatakdang panahon ay maraming hirap ng buhay ang ating mararanasan. Sabi nga ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon, “darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo” at kung anu-anu pang mga pahirap na mararanasan dahil sa ating pananampalataya kay Kristo. Mula noon hanggang ngayon, marami ang nakakaranas ng pahirap dahil sa pananampalataya kay Kristo. Halimbawa sa Middle East, ang mga Pinoy dun na nahuhulihan ng bibliya at Rosary ay kinukulong. Sa China, hanggang ngayon nagtatago ang mga madre at pari doon. Ngunit hindi ibig sabihin nito na malapit na ang katapusan ng mundo. Ang mga paghihirap na ito ay bahagi ng buhay dito sa mundo. Kaya nga tayo’y binigyan ng Dios ay pag-asa: ang mabuhay na muli sa piling ng Dios para palakasin ang ating loob at malampasan ang kahirapan ng buhay.
Ang muling pagkabuhay ang nagbibigay sa atin ng pag-asa sa kabila ng hirap ng buhay na ating nararanasan sa mundong ibabaw. Ganundin sa ating pagtatakang maging mabuting taga-sunod ni Hesu-Kristo, malakas ang ating loob na hamunin ang kasamaan at katiwalian dahil sa pag-asang mamayani ang kabutihan at katarungan ng Dios balang-araw. At naniniwala rin tayo na sa dito sa mundong ibabaw nagsisimula ang langit. Nagyayari ito kung namamayani ang Dios sa ating buhay, at kung buo ang ating pagtitiwala sa Dios. Mahalaga at puno ng kahulugan ang bawat sandali ng ating buhay, sapagkat ito ang batayan at simula ng buhay na walang hanggan.
Sabado, Nobyembre 17, 2007
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento