Sabado, Nobyembre 3, 2007

MAKASAMA ANG DIOS
Rev. ARNOLD C. BIAGO, SVD

Noong isang taon, marami sa mga kaibigan ko dito sa Metro Manila ang nagrerequest, “Pader, pwedi bang magkumspisal sa iyo?” Ang sabi ko naman, “Naku, di pa ako pwedi kasi di naman ako pari, punta ka na lang mga simbahan, may kumpisalan naman dun.” Pero, gusto nila kakilala ko, “Baka meron kang kakilala na pari na pwedi ako magkumpisal?” Dahil nasa seminaryo ako, talagang meron. “Dito sa Tagaytay marami, puntahan mu nga lang.” Dahil kanilang malalim na paghahangad na lumapit at magbalik loob sa Dios, pumupunta pa sila sa Tagaytay para magkumpisal.

Ang mga kaibigan kong ito ay mga makabagong Zacheus na binanggit din sa ating Ebanghelyo ngayon. Katulad ni Zacheus na naghahangad makita si Hesus sila din ay hangad lumapit at makapagbalik-loob sa Dios sa pamamagitan ng Kumpisal. Kung ating titingnan sa ating Ebanghelyo, ang pakikipagtagpo ni Zacheus sa Dios ay dumaraan sa tatlong level:
Una, nagsimula ito sa isang malalim na paghahangad na makita si Jesus. Di man ito nabanggit sa pagbasa subalit makikita ito sa kanyang pagsusumikap at paghahanap ng paraan na makita si Hesus.

Pangalawa, gumawa si Zacheus ng mga hakbang para matupad ang kanyang hangaring makita si Hesus. Umakyat siya sa puno. Sa kanyang katayuan sa lipunan, pag nakita siya ng kanyang mga kaibigan at kakilala, pagtatawanan siya. Binalewala niya ito matupad lamang ang kanyang hangaring makita si Hesus.

Pangatlo, nagkamit siya ng lubos na kaligayahan sa karangalang makasama si Hesus higit pa sa kanyang hinahangad. Ang makita si Hesus ay sapat na para kaya Zacheus, subalit ang nangyari ay higit pa sa inaasahan niya. Lumapit si Hesus sa kanya at hiniling na siya at tutuloy sa kanyang tahanan. Ito ay isang napakalaking karangalan para kay Zacheus.
Kaya bilang tugon sa dakilang pag-ibig na kanyang naranasan mula kay Hesus, nangako siyang ipapamahagi niya ang kanyang yaman. Inamin niyang meron siyang mga nadaya at ipinangako niya na ibabalik ito ng ng apat na beses.

Ganun din po sa ating pakikipagtagpo sa Dios, nauulit ang nangyaring ito kay Zacheus. Sa simula, napupukaw sa atin ang paghahangad na makasama ang Dios, na magbalik-loob sa Dios. Pangalawa, gumagawa tayo ng paraan para matupad ang paghahangad na ito. Pangatlo, napupuno tayo ng kaligayahan sapagkat ang biyaya at pagmamahal ng Dios ay higit pa sa ating inaasahan. At ito ay nakita kwento ng isang Arsobispo ng Paris.

Sabi niya, may tatlong kabataang lalaki na namasyal sa Katedral ng Notre Dame. Sila ay nagkahamunan, kaya isa ay pumunta sa kumpisalan at doon ay nagkunwaring magkumpisal. Napansin ng pari na siya ay niloloko ng nagkukumpisal kaya ang ibinigay niya ang ganitong penance: “Tumayo ko sa harap ng malaking crucifix sa altar, tingnan mu si Hesus sa mata at tatlong ulit na sabihin mu: Ginawa mo yan sa akin? At wala akong pakialam.”

Ang batang lalaki at ang kanyang kaibigan at nagtatawan habang sila ay naglalakad palapit sa sanktuwaryo. Tiningnan niya sa mata si Hesus at sinabi niya: “Ginawa mu yan sa akin? At wala akong pakialam.” Sa pangalawang ulit nanginig na ang kanyang boses: “Ginawa mu yan sa akin? At wa... la akong pakialam.” At sa pangatlong ulit, hindi na niya ito masabi...

Yuko ang kanyang ulo, ang batang lalaki ay bumalik sa kumpisalan at buong-pusong humingi ng pagpapatawad ng Dios. Ang batang lalaking iyong ay naging pari, at kaluunan naging Arsobispo ng Paris, na walang iba kundi ang nagbahagi ng kwentong ito.

Mga kapatid, ang paghahangad na makasama ang Dios ay nakatanim sa ating mga sarili at puso. Buhayin natin ito sa pamamagitan ng paggawa ng hakbang na maranasan ang pagpapatawad at dakilang pagmamahal ng Diyos sa ating mga Sakramento, sa pakikinig at pagninilay sa kanyang Salita, at pagbubukas ng ating sarili na makita ang Dios sa ating kapwa. Ang Dios ay mapagpatawad at mapagmahal. Kaligayahan niya na tayo ay makasama.

Walang komento: