Sabado, Oktubre 6, 2007

26th Sunday of ORDINARY Time C

Kahirapan di Hadlang sa Kabanalan

Tayong mga Pinoy, pagdating sa pagkain iba-iba ang hilig. Kami nga noong nasa Mindoro kami, bilang mga Novices, kung kami ay nag luluto ay depende sa mga hilig. Pag ang grupo namin, siguradong may gata ang ulam, lutong mga paborito ng mga Bikolano. Pag ang kabilang grupo, sigurado, iba-ibang klase ng luto ng isda, sabi nila “sutukil”—sugba, tula at kilaw. Eh minsan, na sila ang naasign sa isang linggo, ang aming pari na naumumuno sa amin, pagkakita ng ulam, kinagalitan kami, “Isda na naman, wala na ba kayong ibang alam na lutuin, kundi isda.” Nahighblood yong aming pari. Kaya ang niluto nila ng sumunod sa araw, pinakbet at papaitan. Ilokano kasi si Pader, paborito niya iyon.

Kung ang tao ay may mga paborito, pagkain, lugar at kung anu pa, parang ganun din ang Dios. May paborito din pala ang Dios. Ito ang mapapansin natin mula sa mga pagbasa ngayon linggo. Halimbawa sa unang pagbasa, tinutuligsa ni propeta Amos ang mga mayayaman sa Israel at binabalaan: “Kahabaghabag kayong namumuhay na maginhawa sa Sion.” Ganun din sa ebanghelyo, itinapon ang mayaman sa empyerno para magdusa, samantalang ang pulubing si Lazaro ay pinagpala at pinarangalan ni Abraham.

Anu ang meron sa kahirapan na nagugustuhan ng Dios? Anu ginagawa ang mga mahihirap na sinasangayunan ng Dios? Ang sagot ay makikita natin sa mga bagay na nakakaligtaan ng mga mayayaman.

Una, dahil sa yaman, nakakalimutan ng tao ang iba, ang kanilang kapwa-tao. Ang pamumuhay sa karangyaan at luho ay nagpapalimot at nagpapamanhid sa tao sa pangangailangan ng iba. Kaya, isang kasakiman sa harap ng Dios ang mamuhay ng sagana na bulag at bingi sa tawag ng saklolo mula sa iba. Kaya, itinakwil ni propeta Amos ang mga mayayamang Israelita, sabi niya, “Kayo ang unang ipapatapon. Matitigil ang inyong pagpipiging at pagsasaya.”

Pangalawa, dahil sa yaman, nakakalimutan ng tao ang Dios. Sa pera at kapangyarihan na siya umaasa at nakasandal sa halip na sa Dios. Mukhang totoo, pag may pera ka, dadalhin ka nito sa lugar na gusto mu, kahit na pangit ka, pag may pera ka, gaganda ka. Ang nangyayari, pinagpapalit ng tao sa pera ang Dios, pero ang mas masaklap, pag sinasamba na niya ang pera, ginagawa na itong dios-diosan. Kaya, sa ebanghelyo, ang sabi ni Abrahan sa mayaman, “kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moses at mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay ay muling mabuhay.” Ibig sabihin ang mayayaman ay salapi lang ang pinaniniwalaan, maging si Hesus, na muling nabuhay ay hindi kapanipaniwala sa kanila.

Ito ang dalawang bagay na inaayawan ng Dios sa mga mayayaman. Kaya masasabi natin na lumulabas na paborito ng Dios ang mga mahihirap na walang yaman at ipagyayabang ay palagiang umaasa sa kabutihan ng iba at ng Dios. Sa kanilang pagsandal sa iba at sa Dios bukas sila sa pakikinig sa Kanyang Salita at sa pangangailangan ng kanyang kapwa. Hindi ang kahirapan ang pinapanigan ng Dios sa kanila kundi ang kanilang bukas at maluwag na kalooban. Samakatuwid, hindi handlang ang kahirapan, upang makapagsilbi sa Dios.

Ang mga maykaya, pag nagsisimba, kailangang magara ang sasakyan at nasa uso ang damit, kasi para pang display at para di sila masabing kawawa. Samantalang ang mga karaniwang tao, t-shirt ok na, hindi nila binigyan ng malaking atensyon ang kanilang dating, ang mahalaga sa kanila ay makapagsimba at makinig sa misa, makinig sa salita ng Dios. Ito ay patunay lang na ang kahirapan ay di hadlang sa pagsunod sa Dios.

Bukas din sila sa pangangailangan ng iba. Naalala ko yong yumao kong lola. Ayaw niya na magpalagay ng pader. Kaya tinanong ko siya: “Lola, nakit puro kahoy ang nilalagay ninyong bakod?” Sabi niya, “Totoy, di yan kahoy, malunggay iyan.” “Eh, ang dami naman diyan. Kaya ba nating ubusin yan, pag nabuhay na.” Tugon ko sa kanya. Subalit ang balik tugon nya ay, “Di lang naman para sa atin yan, sa mga kapitbahay din natin, para may maigulay sila.” Napabilib naman ako ng aking lola, laging nasa isip niya ang pangangailangan ng iba.

Ang mga ito ay patunay lamang na ang kahirapan ay hindi hadlang sa pagsunod at paglilingkod sa Dios. Bagkus, mas madali pa para sa kanila ang tumugon sa kalooban ng Dios. Ang kahirapan ay di handlang sa kabanalan.

Walang komento: