Martes, Mayo 13, 2008

Tuesday Week 6 Ordinary Time

Watch out, guard against the leaven of the Pharisees and the leaven of Herod

Noong ako ay nasa college seminary diyan sa Christ the King, pag bakasyon kami ay pinauwi din ng mga pari. Kaya nakikita ko uli ang mga dati kong barkada noong high school. Isa sa mga malimit kong pasyalan ay si Mae. Naalala ko noong high school kami, ito si Mae ang “apple of the eye” ng aming mga teachers kasi siya ay magalang, tahimik sa klase, di nalalate, walang bisyo, sempling manamit, malinis, sa medaling sabi, siya ay dalagang Pilipina.
Ako ay enjoy na enjoy na pumunta sa kanila kasi, tuwing bakasyon merong bago sa kanya. Noong unang bakasyon, napansin ko, umikli ang kanyang damit na isinusuot. Nang sumunod na bakasyon, may kulay na ang kanyang buhok. Nang mga sumunod na bakasyon, dumami ang kanyang hikaw. Minsan tinanong ko siya, “bakit ganyan na ang itsura mo? Ang sagot niya, “Tol, ito na ang uso ngayon! Ikaw kasi lagi kang nakakulong sa seminaryo, kaya tuloy di ka na updated.”
Noong huli kong makita si Mae, ito ay buntis. Pinuntahan ko siya sa kanila. Totoo nga na siya ay buntis. Ako ay talagang mausisa kaya tinanong ko siya, “Ang daya mo Mae, nag-asawa ka na pala di ka man lang nag imbita…” Medyo alanganin ang sagot ni Mae, “Di naman ako nag-asawa… Nabuntis lang ako.” Gulat na tinanong ko siya, “Eh, nasaan ang Tatay ng baby mo?” “Di ko nga alam eh…” ang nihihiya niyang tugon sa aking kakulitan. Mula sa may kusina, ang sabi ng kanyang nanay, “Di mo ba alam, yan na ang uso ngayon..”
Ang sagot ng nanay ay gawa-gawa ko na lang yon. Pero si Mae ay tunay, at maraming mga katulad na kabataan sa ngayon na sumasabay sa uso at lakad na panahon na malimit ay naliligaw ng landas. Si Mae at marami pang iba ay pawang mga biktima ng laganap na kulturang ginagatongan ng media. Marami ang nag-iisip na anuman ay ipinapakita ng TV ay tama, maayos at pinakamaganda lalo na kung ito ay sinasabi, ginagawa ng mga sikat at kilalang personalidad sa TV. Kaya kung anu ang nasa TV yan ang nangunguna sa kalsada.
Minsan, ako ay na nasa isang meting ng isang organization. Nagkabiroon ang mga kasapi at ang sigaw, “Burger! Burger! Burger!” Nagtawanan sila lahat, ako lang ang naiwang di nakatawa; di ko pa kasi napanood itong commercial na ito sa TV. Out of date na nga ba talaga ako! O talagang malawak ang impluwensiya ng kulturang binubuhay ng media. Sa tingin ko, maliban kay Pres. GMA, ang media ang isa sa pinakamalawak ang implwensiya sa sa mga Pilipino. Kaya kung wala ang pag-iingat tiyak, marami ang mapapahamak. Marami pang mga katulad ni Mae, ang mag sasabi, “ito ang uso ngayon!” na nakikita at napapanood ng marami sa TV.
Sa ngayon, marami ang naalarma sa lumalawak na kakayahan ng media na bilogin ang isipan ng marami lalong-lalo na ang mga kabataan. Kaya marami lalo na ang mga guro ang nagpapaalala sa mga magulang na bantayan ang mga bata habang sila ay nanonood ng TV. Talagang ang media ang isa sa mga may malawak na implwesiya sa buhay ng nakakarami ngayon.
Noong panahon ni Hesus wala pang TV at ang mga Paresio at si Herodes ang may malawak na kapangyarihan at impluwensiya sa buhay ng mga nakakaraming Hudyo. Alam ni Hesus ang kalagayang ito ng mga tao, kaya pinalalahan niya ang kanyang mga alagad na mag-ingat: “Watch out, guard against the leaven of the Pharisees and the leaven of Herod.”
Kung narito si Hesus at kasama natin ngayon, ito ang maaring sasabihin niya, “Watch out, guard against the leaven of the Media.” Katulad ng mga Pariseo at ni Herodes, ang Media din tututulan at lalabanan ni Hesus dahil sa sila ay mapagkunwari at mapaglinlang. Simple lang naman ang nais ni Hesus, at ito ay ang mamayani ang katarungan at manaig ang katotohanan. Kaya, anumang ang sagabal sa katarungan at katotohanan ay kanyang tinututulan. Kung saan umiiral ang katarungan at katotohanan nariyan din si Hesus ang Diyos na buhay.
Ang tunay na sumusunod kay Hesus ay magiging maingat sa pagtanggap sa makabagong kulturang pinapatakbo ng media. Para sa kanya, ang katarungan at katotohan ang batayan ng isang kulturang makadiyos at makatao. Kung hindi, paulit-ulit niyang maririnig ang babala ni Hesus, “Watch out, guard against the leaven of the Media.”

Walang komento: