Feast of Saint Matthias the Apostle
Noong ako ay nagtuturo sa isang university ng SVD, isa sa mga pinagawa ko sa mga estudyante ay ang i-dramatize ang “washing of the feet” at ang “last supper.” Sa isang grupo, kung saan napunta ang assignment na ito ay tuwang-tuwa ang mga estudyante habang nag-aasign sila ng mga tao na gaganap. Ang isang estudyante na naassign bilang Jesus ay tuwang-tuwang, pakiramdam niya ang bait bait niya. Yong isa naman na gaganap na Pedro ay nagyayabang at ginagagaya si Pedro na astig ang dating. Maya-maya ay biglang nagkagulo. Isang estudyante ang sumigaw, “Ayoko! Ayoko niyan!” Ako ay nagulat kaya nilapitan ko na sila. “Anu ba ang nangyayari at bakit nagsisigaw yan si Jayson?” tanong ko sa kanila. Dali-daling sumagot si Jayson “Eh kasi po, si Lenny, pinipilit akong maging Hudas”
Sa mga Apostol, karaniwang inaayawan si Hudas dahil sa kanyang pagtataksil kay Hesus. Kaya malimit marami ang ayaw gumanap na ika-12 Apostol, bilang Hudas. Subalit, para sa mga Apostol mahalaga ang bilang na 12, kaya kailangan nilang humanap ng kapalit ni Hudas. At ito ay isang seryosong bagay na pinagukulan ng panahon at malalim na panalangin ng mga Apostol. Sa katunayan, ang unang gawa ng mga Apostol matapos umakyat sa langit si Hesus ay ang maghanap ng kapalit ni Hudas. 121 silang lahat na dumalo at nanalangin para piliin ang ika-12 Apostol. Paano nga ba nila pipiliin ang ika-12 Apostol.
Si Pedro ang tumayo at nagbigay mungkahi ng paraan para piliin ang papalit kay Hudas. Para kay Pedro ang papalit kay Hudas ay kailangang isa sa mga kasama ng 11 mula noong si Hesus ay binyagan sa ilog Jordan hanggang sa si Hesus ay umakyat sa langit. Dalawa mula sa naroon ang kasama nila noon pa man. Si Matthias at si Jose na tinatawag ding Barsabbas. Hindi naging madali sa mga Apostol ang pumuli ng ika-12. Kilala nila pareho sina Matthias at Jose na mabubuti at nagmamahal ng lubos kay Hesus. Di nila malaman kung sino ang pipiliin. Kung sila man ay pipili, ito din kaya ang pipiliin ng Panginoong Hesus? Kaya minabuti nilang magsapalaran. Anu man ang resulta nito, naniniwalang silang ito ang kalooban ng Diyos. Sa kanilang pagsapalaran, si Matthias ang lumabas na ika-12 Apostol. Sa buong Bibliya, ito ang una at huling pagkakataon na si Matthias ay nabanggit.
Anong mga katangian mayroon ang mga Apostol para sila ay piliin? Ayon kay Clement ng Alexandria, si Matthias ay pinili ni Hesus hindi dahil kung anong mayroon siya, kundi kung magiging anu siya. Pinili si Matthias ni Hesus hindi dahil siya karapadat-dapat na mapabilang sa hanay ng mga Apostol kundi binigyan siya ni Hesus ng biyaya upang maging karapat dapat. Ang biyayang ito ay ang lakas ng loob na ipahayag ang mabuting balita ni Hesus sa lahat ng tao buhay man ang maging kapalit nito. Kaya tulad ng iba pang mga Apostol si Matthias din ay nag-alay ng kanyang sariling buhay sa ikalalaganap ng mabuting balita.
Di lamang mga Apostol o mga Pari ang pinili ng Diyos. Sa katunayan lahat ay inaanyayahan ng Diyos. Ikaw, ako, tayo ay pinili ng Diyos. Hindi dahil tayo ay karapat dapat na mapabilang sa kanya, kundi dahil minarapat niya, gusto ng Diyos na tayo ay makapiling niya, kaya gumawa siya ng paraan upang tayo ay mapasakanya. Ito ang dahilan kung bakit naparito at nakipamuhay kasama natin ang Anak ng Diyos, si Hesus.
Para sa mga Apostol ang pagsunod kay Hesus ay hindi naging madali kundi puno ng hirap. Sa katunayan, ibinihos nila ang kanilang dugo, sila ay nag-alay ng buhay. Kaya, sa mga pagkakataong tayo ay sinusubok ng hirap sa pagsunod kay Hesus, nawa ang buhay ng mga Apostol ang mgbigay lakas sa atin ng loob at pag-asa na manatili sa piling ng Diyos.
Miyerkules, Mayo 14, 2008
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento