Miyerkules, Abril 5, 2017

Friday Week

“Take up your cross and follow me”


Noong mga naunang panahon sa America, partikular sa Estado ng Colorado, ang ginto at tellurium ay magkahalo na lumalabas bilang isang “tellurite ore”. Dahil hindi pa moderno ang pagpoprosesso ng metal noon at wala pa silang kakayahang paghiwalayin ang ginto at tellurium ay itinabi na lang nila na parang basura ang mga “tellurite ore”. Isang araw, habang ang isang minero ay nagluluto, napagkamalan niyang “coal” ang isang tipyas ng “tellurite ore” at ito ay kanyang ipinanggatong sa kanyang kalan. Makalipas ang ilang araw, habang tinatanggal niya ang abo mula sa kayang kalan laking gulat niya sapagkat sa ilalim ng abo ay naroon ang ilang butil ng mga purong ginto. Ang pagsusunog sa apoy pala ay naghihiwalay sa purong ginto. Hangang sa ngayon, patuloy na ginagamit ang maiinit na apoy ang mga alahero para ihiwalay ang purong ginto mula sa ibang mga metal kung sila ay gumagawa ng alahas. Ang mga ito ay nagpapatunay na ang nagniningas at mainit na apoy ang siyang tumatanggal sa mga ibang metal para lumabas ang puro at tunay na ginto.

Katulad din ito ng pagsunod kay Kristo. Kinakailangan ng apoy upang makita ang tunay na sumusunod kay Kristo. Ang apoy na ito na tumatanggal sa mga di karapat-dapat na sumunod kay kristo ay walang iba kundi ang Krus. Sa katunayan, ang sabi ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Kung meron mang layunin at dahilan ang pagpasan ng krus ito ay ang maipakita ang isang tunay na sumusunod kay Kristo. Ang Krus ay apoy na tutunaw sa mga sagabal sa pagsunod kay Kristo.

Noong nakaraang linggo, nakausap ko ang isang kaibigan. May sarili na siyang pamilya at may tatlong anak. Nagrereklamo na siya sa hirap ng buhay hindi dahil sa mga anak niya kundi sa pag-aalaga sa kanyang na-stroke na kapatid! Sabi niya, “Father, sorry po, pero malimit naiinis na po talaga ako sa kapatid ko! Isipin n’yo Father, limang taon ko na siyang inaalagaan, binibihisan, pinapakain, at ang mas nakakainis, kung kailan tapos mu na siyang linisan at bihisan saka naman uli iihi sa salawal.. Grabe talaga father, nagagalit na ako sa kanya!” Tinanong ko siya, “nagsasawa ka na ba sa ginagawa mu?” “Hindi po Father!” ang sagot niya. Tanung ko uli, “Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito?” Ang sabi niya, “Syempre Father, kapatid ko yon eh!”

Hindi ko man nasabi sa kanya noong magkausap kami, ang kanyang pag-aalaga sa kanyang kapatid ay isa sa mga krus na kanyang pinapasan. At ang krus na ito ang nagpapatunay na siya ay ganap at tunay na tagasunod ni kristo at ang pagsunod na ito ay hindi peke o pakitang tao-lamang. Dahil hindi siya umiwas o sumuko sa pagpasan ng krus mas lalong nagiging puro at tunay ang kanyang pagsunod kay Kristo. Ang kanyang pagsunod kay Kristo ay katulad ng isang ginto na tinanggalan ng ibang elemento at naging puro gawa ng apoy ng krus na naglilinis sa kanyang puso at sarili. Hindi madali ang sumunod kay Kristo dahil mahirap ang pumasan ng Krus. Ngunit ito ang tangi at nag-iisang paraan para maging tunay ang pagsunod sa kanya.

Hindi naman kailangan na lahat ng tao ay sumailalim sa isang mahirap na karanasan na dapat niyang pagtiisang pasanin para masabing tunay nga ang kanyang pagsunod kay Kristo. Ang krus na pasanin ng bawat Kristyano ay anumang problema, pagsubok, hirap, kabiguan, at pait na kinakaharap sa araw-araw. Ayun sa nga mga mga Chinese, “ang mga problema na dumarating sa buhay ay mga opportunities—crisis are opportunities.” Totoo nga na ang mga di magandang karanasan ay “opportunities” para subukin ang tatag ng isang tao na bumagon at magwagi sa mga pagsubok at crises. (Challengges bring out the best in the person) Ang isang kristiyano ay tulad ng isang gintong nakahalo sa isang “tellurite ore” kailangan siya ay padaanin sa apoy ng krus upang ang pusong gintong nasa kanyang dibdib na sumusunod kay Hesus ay tumambad sa paningin. “Let the treasure of gold in each person come out by the purifying fire of the cross. Take up your cross then, and be the best gold that you are.”

Walang komento: