“Who do you say that I am?”
Isa sa mga kababata ko ang kakaiba. Mabait naman ito at masunurin sa magulang, sa katunayan honor student pa ito noong kami ay elementary. Kami ay nagtataka sapagkat ayaw niyang pumasok sa simbahan. Minsan kinulit naming siya kung bakit ayaw niyang pumasok ng simbahan. Sabi niya, “Takot ako sa Dios!” Sabi namin, “Kami din naman ah, may takot sa Diyos. Bakit kami pumapasok sa simbahan?.” “Basta! Ayaw kong papasok ng simbahan. Natatakot ako.” Parang may phobia sa simbahan itong si Nelson. Nang tumagal nalaman namin na ito pala si Nelson ay pinapaluhod sa asin sa harap ng altar na nakadipa ng kanyang Nanay pag may ginagawang masama. Tuloy, pag may mga nakikita siyang santo o mga crucifix nanginginig na siya sa takot. Karaniwan nang nangyayari na kinukulayan ng karanasan ang pagkakakilala sa Diyos. Kaya para kay Nelson, ang Diyos ay mapagparusa.
Katulad ng aming barkada na si Nelson, nakulayan din ng karanasan ang pagkakilala ni Pedro kay Hesus. Noong sabihin ni Pedro na si Hesus ang Messias ay inaasahan niyang si Hesus ay mamumuno sa isang himagsikan para sila ay palayain mula sa kamay ng mga Romano at ng mapang-aping hari ng Israel. Kung kaya’t di niya matanggap ang sinabi ni Hesus na siya ay madurusa at mamamatay bago mabubuhay muli bilang pagganap sa kanyang nakatakdang layunin.
Hindi naging madali para kay Pedro na tanggalin o alisin ang karanasang kumukulay sa kanyang pagkakilala kay Hesus. Hanggang sa hiling sandali ng buhay ni Hesus umaasa siya na ito ay gagawa ng kababalaghan o gagamitin ang kanyang makadiyos na kapangyarihan para ibahin ang takbo ng mga pangyayari. Kaya di nakapagtataka na itanggi niya si Hesus ng makatlong ulit dahil di naganap ang kanyang inaasahang paraan ng pagliligtas ni Hesus.
Marami ang mga katulad ng kaibigan kong si Nelson at ni Pedro na di ganap na nakilala si Hesus sapagkat nakukulayan ito ng kanilang karanasan o hindi sapat ang pagkakilala sa Diyos. Meron akong isang kaibigan ang pagkakilala sa Diyos ay parang isang vending machine. Sa Vending machine, pag maghulog ka ng pera sa slot, kung ano ang gusto mu na naroon ay lalabas sa ilalim. Ganun ang tinging niya sa Diyos. Magsisimba lang ito pag may kailangan. Katulad noong nag-aaply ng US visa ang kanyang anak, araw-araw itong nag nonovena, lahat na ata ng simbahan sa Metro Manila ay pinuntahan. Ganitong pag-iisip din ang umiiral sa mga chain prayers sa kumakalat. Noon, papel lang na iniiwansa simbahan, ngayon e-mail na o di kaya ay text messages na. Ayon sa mga chain prayers na ito, pag ginawa mo ang sinasabi nito ay makakamit mo ang iyong mga kahilingan. Kawawa naman ang Diyos sunod-sunoran sa tao.
Anu nga ba ang isang tunay at maayos na pagkakilala sa Diyos na hindi nakukulayan ng karanasan at sariling pangangailang. Muli nating balikan ang sinabi ni HEsus, “walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama.” Samakatuwid, si Hesus ang tunay at ganap na nagpakilala sa atin ng Diyos. Ang kanyang mga gawa at aral ay mga pagpapakilala sa Diyos na mapagmahal at mapagpatawad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento