FEAST OF THE HOLY FAMILY
SUNDAY IN THE OCTAVE OF CHRISTMAS
SUNDAY IN THE OCTAVE OF CHRISTMAS
REV. ARNOLD C. BIAGO,SVD
Sa kwento ni Fr. Bel San Luis kahapon, may isang teacher daw na nagtanong sa kanyang mga batang estudyante tungkol sa dumadaming mga ipinapanganak na kambal sa ngayon, sabi ng isang bata, “eh kasi po teacher, natatakot po silang lumabas mag-isa.” Nakakatuwa at napakainosente ng sagot ng bata. Ngunit kung ating susuriin, ito ay puno ng katotohanan. Sa panahon natin ngayon, sa tiyan palang ng ina marami ng panganib na pagdadaanan at lulusutan ang isang batang isisilang. Nariyan ang lahat ng uri ng contraceptives na nagbabantang lulusaw sa binhi ng buhay na nasa sinapupunan. Nagkalat din ang mga doctor at mga magulang na handing ipalalag at i-abort ang sanggol na nasa sinapupunan. Contraceptives at abortion, sila ay mga tunay na panganib na kailangang lampasan bago isilang ang isang bata sa mundong ito. Kaya hindi nakapagtataka na ang batang nasa tiyan ng ina ang balot ng takot mula sa mga banta sa kanyang buhay.
Mas marami ang banta at panganib sa buhay ang bata paglabas niya sa tiyan ng kanyang ina. Nariyan ang lahat ng uri ng sakit na kumakalat. Kahit mga pagkain ay kailangan ng pagiingat, kung pababayaan, dilekado ito sa kalusugan. Subalit ang pinakamalaking panganib para sa isang batang isinilang ay ang kanyang pamayanang kalalakihan. Sabi nila, marami sa mga communities ay hindi “child-friendly”. Ang tinutukoy ay ang kawalan ng kaligtasan at proteksyon ng mga bata sa lipunan. Tingnan po natin kung saan malimit maglaro ang mga bata: kalsada. Hindi lang ang lugar ang mapanganid sa mga bata, pati na rin mga tao. Ngayon, malimit nating marinig ang salitang “child abuse”, na walang ibang tinutukoy kundi ang ibat-ibang uri at paraan ng pang-aabuso ng mga matatanda sa mga bata. Kaya masasabi natin na totoo ang sinabi ng bata na, “natatakot ang sanggol lumabas mag-isa.”
Ang kapistahan ng Banal na Mag-Anak na Maria, Jose at Hesus at isang malinaw na pagpapaalala sa ating lahat ng ating makadiyos na tungkulin na pangalagaan ang bawat bata mula sa sinpupunan ng kanyang ina at hanggang sa kanyang pag-laki. Kung si Hesus ay nabuhay sa panahon natin ngayon at sa mga makabagong magulang malamang baka walang nangyaring pasko. Kaya sa pamamagitan ng kanilang matapat na pagganap bilang magulang ni Hesus sa kabila ng lahat ng panganib at banta sa buhay, sina Maria at Jose matatawag nating mga huwarang magulang sa kanilang walang katumbas na pagmamahal kay Hesus. Kaya, sana ang bawat mag-anak ay sumunod sa yapak ng Banal na mag-anak na Maria, Jose at Hesus.
Ang pagkakaroon ng modelo na ating susundan ay isang napakahalagang bahagi ng buhay. Naalala ko ang isang kilalang kwento ng isang tatay at ang kanyang malikot na anak. Isang araw habang nagbabasa ng dyaryo ang Tatay ay ginawa niyang picture puzzle ang isang page ng dyaryo may picture ng mundo at ibinigay nya sa kanyang 4 years old na anak para may pagkabalahan at di maging malikot. Laking gulat niya nang wala pang 5 minutes ito ay lumapit sa kanya para ipakita ang nabuong larawan ng mundo. “Paanu mu nagawa yan?” nagtatakang tanong niya. “Dad, di ko po masundan ang picture ng mundo kaya ang picture na lang po ni Jesus sa likod ang binuo ko. Di ba, pag nabuo si Jesus, buo din ang mundo.”
Sa ating buhay, pag si Hesus ay ating sinundan magiging buo at makahulugan ito. Gayundin sa bawat tahanan, pag ang ating sinundan ang yapak ng Banal na Mag-Anak, tiyak na magiging maayos ang takbo ng ating pamilya. Si Kristo na ating Diyos ay dumating bilang liwanag ang gabay at tanglaw ng isang buo, nagkakaisa at nagmamahalang pamilya. Sina Maria at Jose ay matapat na gumanap na magulang ni Hesus sapagkat nasa piling nila ang Diyos. Ganun din ang bawat mag-anak, ang tapat na pagmamahal sa bawat isa ay magaganap kung nakikilala at nakikita ng bawat isa ang Diyos sa kanilang mga magulang, kapatid at anak. Kung nasa ating piling ang Diyos, kung ang bawat tahanan at puno ng pag-ibig ng Diyos, ang bawat batang isisilang ay di kailangang matakot, sapagkat ang mga magulang ay buong pusong magmamahal at babantayan ang kanilang mga anak katulad nina Maria at Jose sa kanilang pagkalinga kay Hesus.
Sa lahat ng mga magulang na naririto. Mabuhay po kayo at pagpalain kayo ng Dios. Para sa lahat ng mag-anak patuloy tayong manalangin pang kanilang sundan ang Banal na mag-anal sa pagmamahal at pagpapalago ng buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento