Dios na Kapiling at Hinihintay
Si Hesus ay tinatawag natin sa iba-ibang pangalan. Isa na dito ay “Immanuel” ibig sabihin “nasa atin ang Dios”.
Sa simula ng Misa, anu ang sinasabi ng pari pakatapos niyang sabihin, “Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo:” “Sumainyo ang Panginoon.” Tayo naman, anu ang sagot natin: “At sumainyo rin.”
Ngayon, nasaan nga ang Dios? NASA ATIN ANG DIOS…
Kung nasa atin ang Dios bakit meron tayong ADVENT, na tumutukoy sa “pagdating” ng Dios. Kung nasa atin ang Dios, siya ay narito na. Bakit meron tayong panahon sa SIMBAHAN na ADVENT, bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoon. Alin ng ba ang paniniwalaan natin: NARITO na ang DIOS o NAGHIHINTAY TAYO SA KANYANG PAGDATING… Saan tayo maniniwala:
Ang sagot: PAREHO silang tama. Paniniwalaan natin sila pareho.
UNA, naniniwala tayo na ang isinilang si Hesus dalawang libong toon na ang nakaraan naparito at nakasama natin ang DIOS at ito ay ating ipinagdiriwang, inaalala at pinagyayaman, pinahahalagahan sa mga sakramento at sa simbahan, lalo na sa MISA at Sa Panahon ng PASKO.
IKALAWA, naniniwala rin tayo na siya ay muling darating sa Takdang Panahon para tapusin at bigyan ng kaganapan ang lahat. Kailan muling darating si HESUS? Walang sinuman ang nakakaalam, maliban sa Dios. Kaya nga pinaghahandaan natin ito. At ang ADVENT ay panahon para pasidhiin at patibayin ang ating paghihintay sa pagdating ni HEsus sa kasalukuyang panahon noong unag pasko at sa muling pagdating ni Hesus Katapusan ng mundo.
Subalit magkaiba kaya sila. Anu ang kinalaman ng una sa ikalawa. Meron tayong kasabihan sa Inglis: “Charity begins at home” na nagsasabing ang paggawa ng kabutihan sa iba ay nakaugat at nagmumula paggawa ng mabuti sa sariling tahanan at pinakamalapit na pamilya at kaibigan. Sa palagay ko ganito rin ang patakaran pagdating sa ating pakikitungo sa Dios. Walang silbi ang ating gagawing paghahanda sa muling pagdating ni Hesus kung hindi man lamang natin nabibigyan ng halaga at napapansin na si HESUS ay KASAMA NATIN NGAYON. Para saan pa ang paghahanda nating makita si HESUS sa kanyang muling pagdating kung hindi man lang natin siya Makita sa mga sakramento, sa kanyang Banal na Salita, sa Sakramento lalong lalo na sa banal na MISA.
Meron isang bata ang gustong-gusto na makita ang Dios. Dahil alam niyang nasa malayo na tirahan ng Dios, naghanda siya ng maraming potato chips at bottled ice tea na baon sa kanyang malayong paglalakbay. Malayo na rin ang kanyang nalakbay nang may nakita siyang isang nanay. Siya ay nakupo sa isang parke at malumong pinagmamasdan ang mga kalapating naglalaro sa kanyang harap.Naupo siya malapit sa babae. Inilabas niya ang kanyang baon at nang siya kakain na napansin niyang mukhang gutom ang babae kaya inalok niya ito ng kanyang baong potato chips. Isang matamis na ngiti naman ang isinukli ng babae habang tinatanggap niya ng bigay ng bata. Dahil sa tamis at ganda ng kanyang ngiti, ibinigay naman ng bata ng kanyang dalang bottled iced tea para makita pa niya ito. Muli mga matatamis na ngiti ang isinulkli ng babae. Kaya laking tuwa ng bata. At buong hapon silang nanatili sa parke at nagpapalitan ng ngiti at pagkain, nang walang mga salitang lumalabas sa kanilang bibig.
Nang sumapit ang dilim, dahil pagod na rin ang bata ipinagpasya niyang umuwi na, at bago pa siya makalayo nilingon niya ang babae at patakbong bumalik at buong higpit itong niyakap, at ganun din naman ang ginaw ng babae. Sa huling pagkakataon, ibinigay niya ang kanyang pinakamaganda at matamis na ngiti.
Pagdating sa kanilang bahay, napansin ng kanyang ina ang kakaibang sigla ng bata, kaya tinanong niya ito. “Anu ba ang ginawa mo ngayon at kakaiba ang sigla sa iyong mukha?” Ang kanyang tugon: “Kumain po sa pa park, kasama si God, ang Panginoon” At bago makapagsalita ang kanyang ina, dagdag niya: “At alam nyo po, ang ganda-ganda po ng kanyang ngiti, na ngayon ko lang nakita.”
Samantala, ang nanay ay umuwing baon ang bagong sigla at galak. Napansin ito ng kanyang anak at siya ay tinanong, “Nanay, ang saya-saya nyo ngayon, saan po kayo galling?” Sabi niya, “Anak, dun sa park, kumain ng potato chips kasama si Jesus?” At agad niyang dagday, “Hindi ko akalain siya’y isang bata.”
Mga kapatid Si Hesus ay nasa ating piling. Magiging makahulugan ang ating paghahanda sa kanyang unang pagdating sa Pasko at muling pagdating sa Wakas ng Panahon kung makikita natin siya at mararanasan sa ating kapwa. At higit sa lahat kung sa pamamagitan natin, madarama ang iba na ang Diyos ay nasa ating piling. Ihanda nating an gating sariling na makita siya sa ating kapwa. At gawin din nating daan ang ating sarili na maranasan ng iba na ang Dios ay nasa ating piling.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento