Hesus, Pinto ng Kaligtasan at Mabuting Pastol
(Sunday IV Easter Jn x, 1-11)
Anu nga ba yong TV drama series sa ABS CBN na pinagbibidahan nina Angel Locsin at Piolo Pascual? LOBO
Alam n’yo po, noong panahon ni Hesus isa pinakakaiwasan ng mga Pastol ay ang mga mababangis na lobo na pumapatay at nangangain ng mga tupang inaalagaan nila. Kaya, sa gabi, dinadala ng mga pastol ang kanilang mga alaga sa isang nababakurang kulungan para ligtas ito mula sa mga lobo na malimit sa dilim ng gabi umaatake.
Ang ating ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pintuan ng nabakurang kulungan ng mga tupa at sa mabuting pastol ng mga tupa na nagbibigay ng ligtas ng kanlungan sa mga tupa. Sa dulong bahagi ng ebanghelyo natin ngayon sinasabi nito na ang pintuan at mabuting pastol ay walang iba kundi si Hesus. Si Hesus ang pintuan ng Kanlungan ng mga Tupa at ang Mabuting Pastol.
Una, si Hesus ang Pintuan ng nababakurang kanlungan ng mga Tupa. Sinasabi ng Ebanghelyo na si Hesus bilang pintuan ay daan tungo sa kaligtasan: “Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Papasok siya at lalabas at makakatagpo ng pastulan”. Tunay ngang si Hesus ay daan tungo sa kaligtasan, sapagkat siya ang bukas na daluyan tungo sa Dios Ama.
Naalala ko ang kwento ng isang kakilalang madre. Sabi niya, nabigla siya nang ang kanyang kaibigan na bago lamang nabyuda ay lumapit sa kanya at nagpasalamat sa kanya. Sabi nito, “Sister maraming salamat at nakilala ko kayo.” Nagtataka siya kung bakit pinasasalamatan siya nito kaya tinanong niya ito: “Lyn, anu ginawa ko sa iyo na ipinapagpasalamat mo?” “Wala naman po Sister!” Sabi nito, “Gumagaan lang ang loob ko pag ako ay pumunta ako sa inyo. Pakiramdam ko karamay ko ang Dios sa sakit at pangungulila ko sa pagkawala ng aking asawa. Di ko pa makakayanan ang pagkawala ng aking asawa kung hindi ako lumalapit sa inyo at nakikipagkwentohan.”
Dahil sa kanyang kakilalang madre, nararanasan ni Lyn ang pagkalinga sa kanya ni Hesus, ng Dios. At sa pamamagitan ni Sr Agnes, naranasan ni Lyn ang Diyos bilang isang ligtas at payaang kanlungan sa panahon ng kanyang pagdurusa at pangungulila. Tunay nga na si Hesus ang pintuan ng kaligtasan.
Pangalawa, si Hesus ang Mabuting Pastol na inilaan ang kanyang sarili para sa kanyang minamahal na kawan. Ang Tunay na pastol, sabi ng ating ebanghelyo ay pinakikinggan ang tinig ng mga tupa. Ang boses ng Tunay na pastol ay kilala at sinusundan ng mga tupa. Sa kabilang dako ang mga tupa ay kilala din ng mabuting pastol: “tinatawag niya ito sa kani-kanilang pangalan.”
Sa Pilipinas bihira ang nag-aalaga ng tupa, ang marami ay baboy. Minsan ng umuwi ako sa amin sa bikol, pinutahan ko sa bahay niya ang isang kababata at inabutan ko siyang nililinis ang kanyang piggery, na may bagong panganak na inahing baboy na ay 12 biik. Tuwang-tuwa siyang sinalubong ako at ipinakita ang mga magkakasinlaking biik, sabi niya, Rev. malaki ang kikitain ko ngayon, yang 12 na book sold out na yan.” Inisa isa niyang itinuro, “ Yong tatlo ay bibilhin ni kapitan, yong dalawa kay Kumaring Lydia, young isa ay kay Rodrigo, etc..” Sa tingin ko ay walang pagkakaiba ang mga biik, pare-pareho ang itsura. Kaya tanong ko sa kanya, “Paano mo natandaan na yan, ang para kay kapitan, at yan ay kay Lydia, ang yun ay kay Rodrigo.” Ang dali-dali niyang sagot ay, “isang buwang at kalahati ko nang araw-araw na nakikita at pinapapakain ang mga iyan. Kaya kilala ko na sila.” Kilala ni Romy ang kanyang mga alaga sapagkat naglaan siya ng panahon sa kanila.
Katulad ni Romy na kilala na ang kanyang mga alagang biik, ang pastol din ay kilala ang kanyang mga tupa sapagkat siya ay naglaan ng panahon sa kanila. Tayo ay kilala ng Diyos sapagkat siya ay naglaan di lamang ng panahon kundi sinugo niya ang kanyang Anak, si Hesus na mamuhay kasama natin.
Tunay nga na si Hesus ay pintuan tungo sa kaligtasan at isang mabuting pastol, tayo’y kanyang kilala at atin siyang sinusundan.
Si Hesus bilang pintuan ng Ligtas na Kanlungan at mabuting Pastol ay nag-aanyaya at tumatawag na siya ay sundan. Magiging mapayapa at madali ang ating pagsunod sa mabuting pastol kung lubos nating siyang kilala. Isa sa mga mabisang paraan upang lalo nating makilala si Hesus, ang mabuting pastol ay alamin ang kanyang buhay (bibliya). Ang buhay na ito ng mabuting pastol ay nasusulat sa Bibliya. Kaya para makilala si Hesus, ang Mabuting Pastol, magbasa ng Bibliya.
Pangalawa, makilala din si Hesus kung magbibigay ng panahon sa kanya (panalangin). Sabi nga, sa panalangin, tayo ay nakikipag-ugnayan sa Dios (communicate with God)
Sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya ay naririnig natin ang Salita ng Dios na nagpapakilala kay Hesus, at tinatanggap natin si HEsus sa Banal na kumonyon.Kaya ang Banal na Misa ay isang pakikipagtagpo sa Dios, isang pagkakataong mapalalim ang ating pagkilala kay Hesus ang mabuting pastol.
Nawa mas lalo nating makilala at mahalin si Hesus upang maging ganap ang ating pagsunod sa Kanya, ang mabuting pastol.
Linggo, Abril 13, 2008
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento